Nang Patayin Ko Ang Makata Sa Akin
Nakahalukipkip pa sa aking kili-kili
ang kuwadernong pinagbunuan ko
ng piraso ng aking utak at panahon
para mapuno
ng maiikling tula at kuwento
na kung matapos ko'y
kay tingkad sa unang pagbasa
ngunit pumupusyaw sa pangalawa,
sa pangatlo,
pang-apat,
panlima.
At kung ulitin pa'y papel na lamang ang matitira.
Kaawa-awang papel,
nasayang lamang ang tinta ng panulat sa kanya.
Kaawa-awang makata,
nasayang lamang ang panulat ng tinta sa kanya.
Kaawa-awang ako:
Blangkong papel at hindi pala makata.
Ito na ang huling pagkakataon
na matutuyo ang papatak na salita sa papel
na sana'y sisiping sa harayang mensahe
ng napapatdang damdamin.
Sapagkat ang kuwadernong ito'y
lulunurin ko na
sa ilog ng pagkalimot
upang malusaw nang tuluyan
ang aking mga taludtod,
ang aking mga salaysay,
na minsang nagtangkang mangusap
ngunit nabigo.
Saka ako maiiwang nakatunghay
sa dagat ng mga nawawalang alaala,
mag-aabang sa kahit isang isdang
harinawa'y namantsahan
ng aking lumubog na katha.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment